Gary Granada
Kapag Sinabi Ko Sa Iyo
[Verse 1]
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y minamahal
Sana'y maunawaan mo na ako'y isang mortal
At 'di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan
O 'di kaya ay sisirin perlas ng karagatan

[Verse 2]
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y iniibig
Sana'y maunawaan mo na ako'y taga-daigdig
Kagaya ng karamihan, karaniwang karanasan
Dala-dala kahit saan, pang-araw-araw na pasan

[Chorus]
Ako'y hindi romantiko, sa iyo'y 'di ko matitiyak
Na 'pag ako'y kapiling mo, kailanma'y 'di ka iiyak
Ang magandang hinaharap sikapin nating maabot
Ngunit kung 'di pa maganap, sana'y huwag mong ikalungkot

[Verse 3]
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y sinisinta
Sana'y yakapin mo akong mulat ang iyong mga mata
Ang kayamanan kong dala ay pandama't kamalayan
Na natutunan sa iba na nabighani sa bayan

[Chorus]
Halina't ating pandayin isang malayang daigdig
Upang doon payabungin isang malayang pag-ibig
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y sinusuyo
Sana'y ibigin mo ako, kasama ang aking mundo